Pangha-harass ng China sa barko ng Pilipinas, iimbestigahan ng DND at AFP

Nagkasa na ng imbestigasyon ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para beripikahin ang pagha-harass ng Chinese military vessels sa isang Filipino civilian vessel sa West Philippine Sea.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ipinag-utos na niya ang Western Mindanao Command (WesMinCom) ng AFP na alamin ang ulat patungkol sa paghabol ng dalawang missile-attack craft ng Chinese People’s Liberation Army Navy (PLAN) at Chinese Coast Guard sa Pilipinong bangkang sakay ng crew ng ABS-CBN, sa pangunguna ng kanilang reporter na si Chiara Zambrano malapit sa Ayungin Shoal.

Ang Ayungin Shoal ay 105 nautical miles kanluran ng Palawan at bahagi ng 200 nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.


Sinabi naman ni AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, humingi na sila ng raw footage na nakuha ng TV crew o mga litrato hinggil sa nasabing habulan para makita ang buong nangyari sa insidente.

Ang mga impormasyong makukuha ng AFP ay gagamitin para sa kaukulang aksyon sa pamamagitan ng National Task Force for the West Philippine Sea kung saan ang member agencies ay ang DND, Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Transportation (DOTr).

Facebook Comments