Pangha-harass ng Tsina sa mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea, nagpapatuloy pa rin

Makalipas ang limang taon mula nang ibinaba ng Permanent Court of Arbritation sa The Hague ang desisyon nitong nagpapatunay sa claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea, damang-dama pa rin ang pangha-harass ng Tsina sa mga mangingisdang Pilipino roon.

Kwento ni Ernie Egana, isa sa mga mangingisda sa Masinloc, Zambales, simula 2012 ay nakararanas na sila ng pambu-bully ng Chinese Coast Guard.

Noong una, pinagbawalan silang pumasok sa Scarborough Shoal para mangisda at binantaang kukumpiskahin ang kanilang mga gamit oras na bumalik sila sa lugar.


Aniya, hindi naman nila magawang magpumilit na makapangisda muli sa Scarborough Shoal dahil wala namang laban ang mga malilit nilang bangkang kahoy sa malalaking barko sa Tsina.

Regular din aniyang kinukuha ng mga Chinese ang mga huli nilang isda kaya labis na apektado ang kanilang kabuhayan.

“Tuwing madaling araw po, umaakyat sila sa bangka namin, hinahalungkay po yung mga isdang huli namin, lahat ng magagandang isda kukunin po nila pagkatapos papalitan nila ng isang maggie at isang boteng alak,” kwento ni Egana sa pranayama sa kanya ng programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.

Sabi ni Egana, naisumbong na nila ito sa kanilang mayor pero wala namang nangyari.

“Nakarating na po sa kanya ‘yan, sir, kaya lang, parang balewala rin po kasi yung asawa niyan, Intsik.”

Ang Scaborough shoal ay isang “traditional common fishing ground” kung saan parehong maaaring mangisda ang Pilipinas at Tsina o maging ang ibang mga bansa.

Facebook Comments