Pinaiimbestigahan “in aid of legislation” ng Makabayan sa Kamara ang kaso ng panghahalay at pagpatay ng dalawang pulis sa 15-anyos na dalaga sa Ilocos Sur.
Sa House Resolution 1028 na inihain ng mga kongresista sa Makabayan, binibigyang direktiba ang House Committee on Women and Gender Equality na magsagawa ng pagsisiyasat sa kaso ni Fabel Pineda at ng dalawang suspek sa panggagahasa at pagpaslang sa biktima na sina Police Staff Sergeants Randy Ramos at Marawi Torda.
Inirerekomenda sa resolusyon ang pagpapalakas sa mga umiiral na batas para sa pagbibigay proteksyon sa mga kababaihan at pagbibigay hustisya sa mga nagiging biktima ng mga uniformed personnel.
Tinukoy rin ng mga kongresista na ang mga kaso ng sexual violence na kagagawan ng mga police officer habang may ipinapatupad na community quarantine ay nakapagpahina rin sa loob ng mga biktima ng domestic violence na makapagsumbong sa mga otoridad bunsod na rin ng takot.
Batay sa Center of Women’s Rescue, aabot sa 63 police officers ang sangkot sa mga kaso ng pang-aabuso at panghahalay sa mga kababaihan mula July 2016 hanggang December 2019.
Nababahala ang mga mambabatas dahil sa bilang na ito ay 43 lamang na mga pulis ang nasampahan ng kasong administratibo mula noong 2015.