Nilinaw ng alkalde ng San Mateo, Rizal ang totoong nangyari sa viral video ng panghaharang umano ng isang traffic enforcer sa taxi driver na may sakay na pasyente noong Lunes ng hapon.
Ayon kay Mayor Tina Diaz, ipinatawag niya at binigyan ng stern warning at memo ang inireklamong kawani ng Department of Public Order and Safety (DPOS) sa nasabing lugar.
Batay sa pagsisiyasat, lumabag sa batas-trapiko ang taxi driver, dahilan para sitahin siya ng traffic aide. Muling pinagharap ang tsuper, operator ng taxi, at enforcer upang magkapaliwanagan.
“Maayos naman po ang naging resulta ng pag-uusap kung saan mismo ang operator ng taxi ang nagpa-alala sa kanilang tauhan ukol sa dapat ginawa nito during the apprehension,” bahagi ng post ni Diaz sa Facebook group na San Mateo Rizal News and Action Center.
Kasunod nito, nabatid ng opisyal na pinapunta niya din sa tanggapan ang asawa ng pasyente para makuha ang panig nila.
Ayon sa kabiyak, papunta silang ospital dahil kailangan ipa-check up ang mister. Taliwas ito sa sinabi ng uploader na emergency ang pagsugod sa pagamutan.
Hindi rin nila kadugo ang nag-upload ng video.
Matatandaang kumalat sa internet ang bidyo ng paninita at panghaharang ng traffic aide sa puting taxi na may lulan na pasaherong maysakit.
Sa viral video, maririnig ang diskusyon ng isang babae at enforcer habang nasa loob ng taxi ang matandang pasyente.
Ilang sandali pa, tumawag na ito ng ambulansya para maihatid ang pasahero sa pagamutan.
Paalala ni Diaz sa mga kababayan niya, handa siyang makinig sa anumang reklamo o hinaing lalo’t kung tungkol ito sa pang-aabuso ng kawani ng pinamumunuang bayan.