Ikinabahala ni Vice President Leni Robredo ang pangingialam ng China sa domestic affairs ng Pilipinas sa pamamagitan ng social media.
Matatandaang binura ng Facebook ang ilang pages at accounts kabilang ang isang network na natunton sa Fujian, China kung saan maraming online trolls ang nagpo-post patungkol sa South China Sea at sa 2022 Presidential Elections ng Pilipinas at iba pang isyu sa bansa.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na nakakatakot ito dahil panghihimasok na ito sa soberenya ng Pilipinas.
Pagtataka pa ng Bise Presidente, tila may interes ang China na makialam at manira.
Dagdag pa niya, mas lalong lumalala ang pagpapakalat ng fake news dahil ‘niluluto’ na siya sa ibang bansa.
Bagamat huli na ang naging aksyon ng Facebook, umaasa si Robredo na patuloy ang social media giant na tugisin ang mga trolls.
Nanawagan din si Robredo sa publiko na maging maingat sa paggamit ng social media.