PANGHIHIMASOK NG TSINA MAS TITINDI KUNG PAPAYAGAN ANG 100% FOREIGN OWNERSHIP SA PUBLIC UTILITIES — SENADOR

NAGBABALA si Senadora Risa Hontiveros na ang pagpapahintulot sa 100% foreign ownership sa public utilities ay magbibigay-daan sa Tsina na magmay-ari ng mahahalagang imprastraktura sa Filipinas.

Ginawa ni Hontiveros ang pahayag matapos ang plenary debates nitong linggo sa Senate Bill 2094 na nag-aamyenda sa Public Service Act (PSA). Ang House version ng panukala ay inaprubahan na noong Marso 10 ng nakaraang taon.

Nagbabala ang senadora na maaaring samantalahin ito ng Tsina at gamitin laban sa Filipinas sa usapin ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.


“Hindi na nga tumitigil ang Tsina sa pag-aarangkada sa West Philippine Sea, tapos bibigyan pa natin siya ng daan para bilhin ang mga imprastaktura sa loob mismo ng ating bansa? Kinukuha na ang ating mga likas-yaman sa ating karagatan, huwag naman nating hayaang pati sariling industriya natin sa lupa China narin ang naghahari-harian. Ano na ang matitira sa Pilipinas?” pagtatanong ni Hontiveros.

Sa panukalang pag-amyenda sa PSA, ang mga sektor na bubuksan sa hanggang 100% foreign ownership ay kinabibilangan ng telecommunications at transportation.

Binigyang-diin ni Hontiveros, na bumoto ng No sa pag-apruba sa prangkisa ng China-owned Dito Telco, na hindi dapat ikompromiso ang pambansang seguridad sa pagsasaayos ng serbisyo sa bansa.

“We have vital national security interests that should never be compromised. Sa panahon pang tinataboy ang ating mga mangingisda sa ating mga teritoryo, paano tayo makakasiguro na hindi rin itataboy ng Tsina ang mga Filipinong manggagawa sa mga industriyang gusto niyang pasukan? We should heighten restrictions on foreign ownership as China’s encroachment in the WPS escalates; not make it easier for her to establish a stronghold in our own land,” ani Hontiveros.

Dagdag pa ni Hontiveros, may mga hindi pa nareresolbang national security concerns sa mga public utilities na may 40% stake ang Tsina.

Kabilang dito ang 40-percent stake ng Tsina sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), gayundin sa Dito Telecommunity, ang third telco player ng bansa.

Noong 2019, naghain si Hontiveros ng Senate Resolution No. 223 para imbestigahan at magsagawa ng national security audit ang NGCP.

Sa parehong taon ay naghain din ang senadora ng Senate Resolution No. 137 para imbestigahan ang kasunduan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Dito, na nagpapahintulot sa telco na magtayo ng mga pasilidad sa loob ng mga kampo at istasyon ng AFP.

“Hindi pa napanatag ang loob natin sa mga pangambang dulot ng Dito at NGCP. Tapos bubuksan pa natin ang ibang industriya para sa panibagong banta na dala ng Tsina? If we open up our transport sector, for example, does this mean that the so-called Chinese maritime militia can apply for licenses or permits to operate in our domestic waters? We are all for economic development, but never at the expense of our national dignity and sovereignty,” pagtatapos ni Hontiveros.

Facebook Comments