Mas maghihigpit ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng home quarantine at mga ordinansa ng mga Lungsod.
Kaugnay ito ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) para mapigilan ang pagkalat ng Coronavirus Disease.
Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, huhulihin ng mga pulis ang mga lalabag.
Kapag menor de edad ang nahuli, ibabalik ito sa kanilang mga magulang o kung walang magulang o guardian ay dadalhin sa Local Social Welfare Officer.
Pero paalala naman ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa sa mga magulang, na bantayang mabuti ang kanilang mga anak sa mga panahong ito lalo’t kung ito ay menor de edad.
Giit ni Gamboa, kailangan manatili sa mga bahay para maligtas ang buhay.
Samantala, mahaharap naman sa mga kaso ang mga mahuhuling lalabag sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine.
Ngayong araw ay ika-siyam na araw na ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.