Pangilinan sa administrasyong Duterte: Dapat nating harapin ang China

Hinimok ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang kasalukuyang administrasyon na harapin ang China at protektahan ang mga pinagkukunang yaman ng Pilipinas.

Giit ng opposition senator, hindi lamang usapin ng teritoryo ang nangyaring banggaan sa Recto Bank, kundi pati na rin seguridad ng makakain ng bawat Pilipino.

“Ang pagtanggol at pagsuporta sa ating mga mangingisda ay katumbas din ng pagsiguro ng ating kakainin,” ani Pangilinan.


Binigyang diin ni Pangilinan na ang Recto Bank sa West Philippine Sea ay malaking pinagkukunan ng aquamarine resources.

“This area–a rich source of fish, oil, gas, and other minerals–is much larger than our land area of about 300,000 square kilometers,” ani senador.

Iginiit din niya na pagmamay-ari ng bansa ang West Philippine Sea at hindi ng China.

“We cannot be meek and submissive in defending what belongs to us by international law,” dagdag niya.

Pinuna rin ng senador ang paghahamon ng giyera ng pangulo kontra Canada dahil sa basura nito, samantalang sunud-sunuran sa China kahit yaman na ng bansa ang nakataya.

Binatikos si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pahayag nitong isa lamang maliit na maritime accident ang pagbangga ng Chinese crew sa bangkang pangisda na lulan ang 22 mangingisdang Pilipino sa Recto Bank.

Panawagan ni Pangilinan sa administrasyon, ipagtanggol ang interes ng bayan, pati na rin ang mga magsasaka at mangingisdang nagbibigay ng makakain sa mamamayan.

“Magiging mailap pa rin ang isang masagana’t maunlad na Pilipinas kung hindi natin ipaglalaban at ipagtatanggol ang kanilang interes,” sabi ni Pangilinan.

“Dapat nating harapin ang China at pangalagaan ang pinagkukunan natin ng pagkain,” giit niya.

Facebook Comments