Pangingikil ng Ilang NPA sa Cabagan, Isabela, Nauwi sa Engkwentro

Cauayan City, Isabela- Nakasagupa ng tropa ng 98th Infantry Battalion ng 502nd Infantry Brigade ang ilang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Cabagan, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Captain Joter Lobo II, CMO Officer ng 502 nd IB, naganap ang engkwentro kaninang madaling araw, July 23, 2021 sa liblib na lugar sa barangay Masipi.

Nag-ugat ang engkwentro habang nagsasagawa ang mga sundalo ng operasyon laban sa mga nalalabing NPA matapos makatanggap ng sumbong mula sa sibilyan na mayroong nagsasagawa ng extortion o pangingikil sa kanilang lugar.


Sa pagtugon ng mga sundalo sa lugar, nakasagupa ng tropa ng pamahalaan ang tinatayang sampung (10) miyembro ng NPA.

Tumagal ng halos 20 minuto ang sagupaan hanggang sa umatras at nagtakbuhan sa iba’t-ibang direksyon ang mga kalaban ng gobyerno.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang hot pursuit at clearing operation ng kasundaluhan sa pinangyarihan ng barilan na kung saan pinaniniwalaang may nasugatan sa panig ng mga NPA dahil sa mga naiwang bakas ng dugo sa kanilang pinag pwestuhan.

Facebook Comments