Pinapaimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pag-unti ng nakukuhang isda ng mangingisdang Pilipino dahil sa presensya ng Chinese vessels sa West Philippine Sea.
Mensahe ito ni Hontiveros sa BFAR kasunod ng daing ng mga mangingisda sa Zambales na mula sa dating 4,000 pesos na kita sa pangingisda noon, ngayon ay halos wala na silang nahuhuling isda dahil sa presensya ng 20 Chinese vessels.
Giit ni Hontiveros sa BFAR, alamin kung magkano ba ang nawawala sa atin dahil hindi tayo makapangisda nang malaya.
Paliwanag ni Hontiveros, hindi lang ito pagbibigay proteksyon sa ating karapatan at legal na jurisdiction sa West Philippine Sea kundi para rin sa food security ng bansa.
Punto ni Hontiveros, ano na ang kakainin ng ating mga mangingisda kung pati ang mismo nilang huli ay inaagaw rin ng Tsina at ano na ang magiging kabuhayan nila kung may mga barko ng Tsina na hinaharangan ang kanilang paglayag sa sarili nating karagatan.
Hiniling din ni Hontiveros sa BFAR at Department of National Defense (DND) na samahan ang ating mangingisda kung kinakailangan para siguradong makapaghanapbuhay sila.