Kasunod ng mga pagbahang naranasan ng ilang lalawigan sa bansa nitong mga nakalipas na araw.
Paghuhusayin ng Office of Civil Defense (OCD) ang River Basin Management bilang pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha sa bansa.
Ayon kay Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, kailangang magtulungan ang mga ahensya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor at mga eksperto para masolusyunan ang nasabing problemang ito.
Paliwanag ni Nepumoceno dapat rebisahin ang mga polisiya at plano sa mga river basin; striktong ipatupad ang polisiya kontra sa iresponsableng pagmimina; isulong ang environmental protection; magtayo ng flood-control projects at permanenteng ilipat ang mga vulnerable communities.
Samantala, puspusan ang paghahatid ng tulong ng pamahalaan sa mga apektado ng pagbaha sa Davao Region dahil sa epekto ng shearline, northeast monsoon at trough na dala ng low pressure area.
Isa ang Davao sa mga napuruhang rehiyon sa bansa kung saan nakapagtala ng mga pagbaha at landslide na apektado ang nasa 129,466 pamilya.