Nanawagan ngayon sina House Deputy Minority Leader Carlos Zarate at Bayan Muna Chairman Neri Colmenares sa Meralco na ihinto muna ang paniningil ng electricity bills ngayong COVID-19 pandemic.
Giit nila Zarate at Colmenares, itigil muna ng Meralco ang pangongolekta para sa March hanggang April na bayarin sa electric consumption habang nakabinbin pa ang imbestigasyon dito ng Kongreso at Energy Regulatory Commission (ERC).
Giit nila, malaki ang posibilidad ng overcharging ng Meralco dahil wala namang ‘meter reading’ na ginawa ang kumpanya para pagbatayan ng bills ng mga consumers.
Nakakabahala din anila ang tatlong beses na itinaas sa bill ng kuryente kaya tiyak na maraming mga consumers ang hindi makakabayad at nakaambang na mawalan ng electricity service.
Hinimok din ng mga ito ang Meralco na huwag puputulan ng serbisyo ang mga hindi makakapagbayad ng kuryente bunsod na rin ng mahirap na sitwasyon sa krisis.
Hinikayat din nila ang Meralco na ilibre o huwag na isama sa bill ang unang 200 kwh na kunsumo ng kuryente bilang konsiderasyon na rin sa mga pamilyang lubhang apektado ng COVID-19.