Basilan – Dinakip ng mga tauhan ng Philippine National Police Counter Intelligence Task Task Force ang kanilang mismong kabaro dahil sa pangongotong sa mga nagpapadala sa barko o shipper sa pantalan ng Isabela City Basilan kanina.
Ayon kay PNP CITF Spokesperson Chief Inspector Jewel Nicanor alas 3:15 ng hapon kanina nang isagawa ang operasyon kung saan nagpanggap na poseur shipper ang isa sa mga pulis.
Dahil dito naaresto ang pulis na kinilalang si Police Officer 4 Basir Alam nakatalaga sa PNP-Maritime Group 9.
Isinagawa nang PNP CITF ang entrapment operation matapos na makumpirma ang reklamo laban sa suspek.
Batay sa reklamo nangongolekta ang pulis ng 500 hanggang 1000 piso sa bawat shipper bilang travel clearance umano para makapagdala sa barko na ang byahe ay mula sa Isabela City Basilan patungong Zamboanga City.
Sa reklamo pa hindi nagbibigay ng official receipt ang pulis kaya inirereklamo ito ng mga biktima sa pamamagitan ng PNP hotline number.
Nasa kustodiya ngayon ng PNP CITF sa Basilan ang suspek na nakatakda namang iturn over sa Basilan Police Provincial Office para sa pagsasampa ng kaso.