Isinusulong sa Kamara na mabigyang kapangyarihan ang pangulo ng bansa na suspendihin ang pagtaas ng “contribution o premium rate” ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Nakapaloob ito sa House Bill 10669 na inihain ni Manila Rep. Yul Servo na layong amyendahan ang Republic Act 11223 o ang Universal Health Care Law.
Sa ilalim ng panukala, ang pangulo na may koordinasyon sa mga kalihim ng Department of Finance (DOF), at Department of Health (DOH) ay may kapangyarihang magsuspindi sa implementasyon ng premium rate hikes, sa panahon ng national emergencies.
Binigyang diin na mahalagang unahin ang interes ng taumbayan, habang ang pagpapatupad ng mga nakatakdang pagtaas sa kontribusyon ay i-aadjust sa mga susunod na taon.
Habang nakasuspindi ang pagtaas sa premium contribution, ang gobyerno naman ang sasalo sa “funding gap” upang mapunan ang kakulangan ng PhilHealth.
Tinukoy sa panukala na sa loob ng dalawang taon na may global pandemic ay patuloy pa ring nakasisingil ng kontribusyon sa mga myembro ang PhilHealth kahit pa ang mga ito ay nahaharap sa problemang pinansyal dulot ng pandemya.