Humingi ng tawad ang presidente ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa pamilya ng mga nawawalang senior high school student (SHS) na hinihinalang ni-recruit para maging miyembro ng militanteng organisasyon.
“Ako po ay nag-a-apologize sa kanila dahil ‘yung mga anak nila na nasa PUP ay na-recruit kahit na ito ay labag sa aming kalooban,” saad ni Dr. Emanuel de Guzman, pangulo ng naturang unibersidad.
Pag-amin ni De Guzman sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drug nitong Miyerkules, walang garantiyang hindi na ito mauulit.
“We are hoping this will not happen again,” sambit ng PUP president.
Sa kabila nito, ipinahayag ni De Guzman na gumagawa sila ng kaukulang hakbang para maiwasan ang ‘malawakang recruitment’.
“Ang PUP, kahit noon pang panahon ng martial law ay lugar na ng mga aktibista, pero maliit na minorya lamang sila sa aming malaking populasyon. Unti-unti nang lumiliit ang bilang dahil naglagay na kami ng reporma,” tugon ni De Guzman.
Dagdag pa niya, tinanggal nila ang mga estudyanteng nasa likod ng pagpapasapi at sinampahan ng reklamo ang mga lider na sangkot sa sigalot.
Sa kasalukuyan, gumagawa sila ng revised at bagong student handbook at magpapatupad ng uniform at dress code. Magkakaroon na din ng mandatory drug testing sa buong pamantasan.
Bago nito, hindi napigilan umiyak ng ina ng limang nawawalang estudyante na umano’y ni-recruit ng “makakaliwang grupo”.