Dumalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa paggunita ng ika-78 Leyte Gulf Landings Anniversary sa MacArthur Landing Memorial National Park sa bayan ng Palo, Leyte.
Ito ay bilang pagpupugay sa katapangan at kabayanihan ng mga beteranong Pilipino na nag-alay ng kanilang buhay para palayain ang Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ito ang unang in-person na paggunita sa makasaysayang kaganapan pagkatapos ng dalawang taon ng hybrid na aktibidad dahil sa COVID-19 pandemic.
Sinaksihan ni Pangulong Marcos ang sabay-sabay na pagtataas ng watawat ng Australia, Japan, United Kingdom at United States of America habang pinangunahan naman nito ang wreath-laying ceremony sa MacArthur Shrine.
Highlight din sa aktibidad ang pagbibigay ng parangal ng nasa 33 World War II veterans mula sa Eastern Visayas kung saan 17 dito ay mula sa lalawigan ng Leyte.
Kabilang sa mga dumalo sa kaganapan ngayong araw ay ang mga foreign envoys at dignitaries mula sa Australia, Japan, New Zealand at United States of America.
Ang Leyte Gulf Landings commemorative program ay ang paggunita sa makasaysayang pagdating ng American Allied Forces sa pangunguna ni United States General Douglas MacArthur noong October 20, 1944 para palayain ang Pilipinas mula sa Japanese Imperial Forces na sumakop sa bansa mula 1942-1945.
Ang pagdating ng Allied Forces ay humantong sa Labanan sa Leyte Gulf na tinaguriang ‘biggest naval battle in history’ na nilahukan ng mahigit 200,000 na sundalo at daan-daang barkong pandigma.
Ito ang naging mitsa ng pagkatalo ng mga puwersang Hapones sa Pilipinas.