Walang intensyon ang gobyerno ng Pilipinas na muling umanib sa International Criminal Court o ICC matapos kumalas noong 2019.
Ito ang iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos ang ipatawag niyang pagpupulong kamakailan sa legal team ng Palasyo.
Ayon sa pangulo, kinailangan nilang pag-usapan kung ano ang tunay na sitwasyon sa bansa na batayan ng ICC para muling igiit ang imbestigasyon kaugnay ng war on drugs campaign ng nagdaang administrasyong Duterte.
Importante aniyang mapag-aralan munang maigi ang proseso para tama ang mga ipatutupad na legal na hakbang ng gobyerno.
Sa ngayon aniya ay gumagana naman ang mga korte sa Pilipinas kaya nagtatataka siya kung bakit kailangan pang manghimasok ng ICC.
Ang mga hiningian ng opinyon ng pangulo sa pagpupulong kamakailan ay sina Solicitor General Menardo Guevarra, Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Remulla, Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, Executive Secretary Victor Rodriguez at maging si Atty. Harry Roque.