Ibinahagi na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) sa harap ng mga miyembro 19th Congress sa Batasang Pambansa kahapon.
Ito ay sumentro sa hakbang ng Marcos administration sa susunod na anim na taon at maging sa pagtugon ng gobyerno sa mga mahahalagang isyu na kinakaharap ngayon ng bansa.
Bahagi nito ay inilahad ng punong ehekutibo ang 19 na priority bills ng kaniyang administrasyon na kinabibilangan ng mga sumusunod:
1. National Government Rightsizing Program
– Layon ng panukala ito na mapagbuti ang mandato ng gobyerno habang sinisiguro ang mabisang paggamit ng pondo sa pamamagitan ng pagbuwag o di kaya ay pag-isahin ang mga tanggapan ng gobyerno na may parehas na tungkulin.
2. Budget Modernization Bill
– Layon nito nagkaroon ng cash-based management system upang palakasin ang paglalaan at paggamit ng pondo ng bayan upang masiguro na mapupunta ang bawat piso sa aktwal na proyekto.
3. Tax Package 3 (Valuation Reform Bill)
– Layon nitong bumuo ng pamantayan sa pagbibigay ng halaga sa mga real property at magbibigay ng database ng lahat ng real property transactions at declarations sa buong bansa.
4. Tax Package 4 (Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act)
– Ayon kay Marcos, gagawin nilang mas simple, mas patas, mas mabisa at revenue-neutral na tax system ng pagbubuwis sa financial sector na regionally competitive.
5. E-Government Act
– Dito ay balak gawing digitalized ang lahat ng government services at processes.
6. Internet Transaction Act / E-Commerce Law
– Layon nitong balansehin ang mga e-commerce activities upang masiguro ang Consumer Rights at data privacy maging ang pagprotekta sa intellectual property at sa seguridad ng mga transaskyon habang sinisigurong pasok sa safety standards ang produktong ibinebenta rito.
7. Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises For Economic Recovery
– Nais ni Marcos ni bigyan ng tulong pinansyal ang mga micro-small and medium enterprises at iba pang mahahalagang industriya upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon nito at makapagbigay ng trabaho sa mga Pilipino.
8. Medical Reserve Corps
– Nais ng pangulo na bumuo ng Medical Reserve Corps na binubuo ng mga lisensyadong physicians, medical students na nakapagtapos ng apat na taon na medical courses, mga graduate ng medicine, rehistradong nars at ng mga lisensyadong allied health professionals upang masiguro ang kalusugan ng bawat Pilipino.
9. National Disease Prevention Management Authority
– Nais bumuo ni Marcos ng sariling Center for Disease Control and Prevention (CDC) ang Pilipinas na kadikit ng Department of Health (DOH) na maghahanda sa bansa para sa mga susunod na health emergency katulad ng pandemya.
10. Creation of the Virology Institute of the Philippines
– Upang maprotektahan ang bansa laban sa pagkalat ng mga viral disease, nais bumuo ni Marcos ng Virology Science at Technology Institute of the Philippines na kadikit ng Department of Science and Technology.
11. Department of Water Resources
– Nais din ni Marcos na tugunan ang sitwasyon ng suplay ng tubig sa bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng Department of Water Resources kung saan nakapokus din ito sa integrated water resource management.
12. Unified System of Separation, Retirement, and Pension
– Gagawaran ng buwanang disability pension ang mga PWD kaysa sa umiiral na disability benefits para sa mga military at ibang uniformed personnel na nagretiro sa kanilang tungkulin dahil sa disability.
13. E-Governance Act
– Nais nitong isulong ang paggamit ng internet at iba pang Information Communication Technology na siyang magbubukas ng oportunidad sa mga mamamayan.
14. National Land Use Act
– Sa ilalim nito ay may pananagutan ang mga may-ari ng lupa na gawing productive at sustainable ang lupa upang masiguro ang ecological balance.
15. National Defense Act
– Dito ay papayagang baguhin ang military structure ng Armed Forces of the Philippines upang makatugon sa mga hindi pagkaraniwang banta sa soberenya at seguridad ng bansa.
16. Mandatory Reserve Officers’ Training Corps and National Service Training Program
– Dito ay gagawing mandatory requirement ang ROTC program sa senior highschool program sa lahat ng pampubliko at pribadong tertiary institutions upang masanay sa pagtugon sa disaster at defense events.
17. Enactment of an Enabling Law For the Natural Gas Industry
– Layon ni Marcos na isulong ang natural gas bilang complementary fuel at tumuon ang bansa lalo sa renewable energy at posibilidad sa paggamit ng nuclear energy.
18. Amendments to the Electric Power Industry Reform Act
– Nais nitong palakasin ang pagpapatupad ng probisyon sa pagtugon sa mataas na halaga ng kuryente at kulangan sa power supply upang masiguro ang kapakanan ng mga konsyumer.
19. Amendments to the Build-Operate-Transfer Law
– Maliban sa pagpapatuloy ng mga infrastructure projects ng nakaraang Duterte administration ay layon din ni Marcos na tugunan ang bagay na nagpapabagal sa Public Private Partnerships at sa pamamagitan ng panukala nito ay makakabuo ng mas maraming farm to market roads, powerplants at iba pa.