Pangulong Bongbong Marcos, nagtalaga ng mga bagong mahistrado sa Court of Appeals at Court of Tax Appeals

Tiwala ang Malacañang na itataguyod ng mga bagong mahistrado ng Court of Appeals at Court of Tax Appeals ang rule of law at integridad ng hudikatura.

Ito ay matapos ang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng dalawa pang justices sa Court of Appeals habang isa naman sa Court of Tax Appeals.

Sa impormasyon ng Philippine News Agency, ipinuwesto ni Pangulong Marcos si Corazon Ferrer-Flores bilang Court of tax appeals associate justice.


Papalitan niya si dating Tax Court Associate Justice Juanito Castañeda na nag-retire na noon pang June 24.

Bago ang kaniyang appointment, si Ferrer-Flores ay nagsilbi bilang Deputy Clerk of Court ng Korte Suprema at hepe ng Fiscal Management and Budget Office.

Sa hiwalay namang appointment papers, itinalaga ng pangulo sina Selma Alaras at Wilhelmina Jorge-Wagan bilang mga bagong mahistrado ng Appellate Court nitong October 11.

Sina Alaras at Jorge-Wagan ang papalit kina dating CA Associate Justices Gabriel Ingles at Edgardo Camello na pareho na ring nag-retiro ngayong taon.

Bago napabilang sa CA, si Alaras ang presiding judge ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 62, habang si Jorge-Wagan ang presiding judge ng Pasig City RTC Branch 111.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, mayroong 90 araw ang pangulo para magtalaga ng mga appointee sa hudikatura base sa listahan o shortlist mula sa Judicial and Bar Council o JBC.

Facebook Comments