Hindi magpapatupad ng fishing ban ang pamahalaan kasunod ng problema sa overfishing sa bansa.
Paglilinaw ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasunod ng nauna nitong anunsyo na pagbabawalan ang pangingisda sa mga breeding ground.
Sa interview ng media kay Marcos, aminado siyang hindi niya naipaliwanag nang maayos ang plano ng pamahalaan upang maparami ang populasyon sa isda kaya ang pagkakaintindi ay magpapatupad ang gobyerno ng fishing ban.
Ayon sa pangulo, mawawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda kung ipapatupad ito kaya nakipag-usap ito sa concerned sector upang ipabatid ang kahalagahan na pangalagaan ang breeding ground ng mga isda para tuloy-tuloy ang paghuhuli.
Una nang iginiit ni Marcos na siya ring agriculture secretary, ang kahalagahan ng pagpapabuti ng fisheries sector at magpapatayo ang pamahalaan ng mas maraming cold storage facilities upang maiwasan ang pagkasayang ng mga isda.
Sa datos ng Department of Agriculture (DA), nasa hanggang 30% ng mga huling isda ang nasisira o kaya bumababa ang kalidad dahil sa kawalan ng pag-iimbakan nito.