Sang-ayon sina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese Defense Minister Wei Fenghe na mahalaga ang pagkakaroon ng Code of Conduct sa South China Sea.
Nakapulong ni Pangulong Duterte si General Wei na nagsisilbing State Councilor ng China kasabay ng courtesy call nito sa Malacañang kahapon.
Sa statement ng Office of the President (OP), naniniwala ang dalawang opisyal na ang Code of Conduct ang magbibigay ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Sinabi ni Pangulong Duterte kay Wei na ang lahat ng gusot ay kailangang mapayapang resolbahin alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea at iba pang international laws.
Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagbuo ng epektibo at makabuluhang Code of Conduct na magiging legasiya ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at China sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Sinabi naman ni Wei na handa ang China na makipagtulungan sa Pilipinas para sa maritime cooperation, isulong ang mga negosasyon sa Code of Conduct, at resolbahin ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa.
Si Pangulong Duterte ang Country Coordinator ng ASEAN-China Dialogue Relations.
Samantala, sinabi ng Malacañang na welcome kay Pangulong Duterte ang mga development sa Philippines-China defense and security cooperation.
Kinikilala ni Pangulong Duterte ang patuloy na pagsuporta ng China sa defense modernization ng bansa simula 2017.