Magpupulong ngayon sa pamamagitan ng online ang mga lider ng mga bansa sa Southeast Asia para talakayin ang mga hakbang sa paglaban sa COVID-19 at iba pang mahahalagang isyu.
Ayon kay Chief Presidential Protocol Robert Borje, makikilahok si Pangulong Rodrigo Duterte sa meeting sa pamamagitan ng teleconference kasama ang siyam na iba pang lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Sa pulong, muling sisilipin ang mga kasalukuyang inisyatibo at palalawakin ang mga kooperasyon para mapagtibay ang kakayahan ng rehiyon sa pagtugon sa pandemya.
Bukod dito, pag-uusapan din ang international at regional issues tulad ng maritime security developments tulad ng sigalot sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Borje na malinaw ang posisyon ni Pangulong Duterte sa usapin partikular ang pagsasapinal sa Code of Conduct.
Ang mga lider ay mabibigyan din ng oportunidad para makausap ang iba pang parliamentarians, youth representatives at business leaders.
Inaasahan ding magkakaroon ng 10 outcome documents sa ilang key areas of cooperation tulad ng food security at supply chain connectivity, countering radicalization at violent extremism, at human resource development.
Sasamahan si Pangulong Duterte ng ilang miyembro ng gabinete tulad nina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., Trade Secretary Ramon Lopez, at Social Welfare Secretary Rolando Bautista.
Ang Vietnam ang humahawak ng chairmanship ng ASEAN ngayong taon.