Maaaring magpulong sa unang pagkakataon sina Pangulong Rodrigo Duterte at United States President Joe Biden sa nalalapit na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Brunei sa Oktubre.
Ito ang sinabi ng Malacañang kasunod ng mga ulat na gusto ni Pres. Biden na magkita sila ni Pangulong Duterte kasabay ng pagdiriwang ng ika-75 taong diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na maaaring magkita ang dalawang lider sa ASEAN Summit.
“Ang huling sinabi po sa akin ni Ambassador Romualdez… eh baka ang kauna-unahang face-to-face nila ay iyong ASEAN Summit na gagawin sa Brunei po,” sabi ni Roque.
Una nang sinabi Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na umaasa si Biden na makakapagdesisyon na si Pangulong Duterte ukol sa Visiting Forces Agreement (VFA) at palalawigin ito.