Kasabay ng pagdiriwang ng National Heroes’ Day ngayong araw, kapwa binigyang-pugay ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa ang kabayanihan ng Filipino frontliners sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kabayanihan ng lahat ng nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa.
Aniya, ang kasalukuyang hamon na kinahaharap ng bansa dahil sa public health crisis ay nagbigay-daan para magkaroon ng “modern day heroes”.
Tinukoy dito ng Pangulo ang Filipino frontliners na nakikipaglaban sa COVID-19 pandemic, hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa abroad.
Kasabay nito, hinikayat niya ang lahat na araw-araw maging bayani sa sariling pamamaraan para sa mas magandang kinabuksan ng bansa.
Samantala, kinilala rin ni Vice President Leni Robredo ang katapangan at sakripisyo sa gitna ng pandemya hindi lamang ng mga medical professional kundi maging ng mga lider ng komunidad, government workers, uniformed personnel at volunteers.
Hinimok niya ang mga Pilipino na lumaban para sa bansa kung kinakailangan sa kabila ng takot at kawalang kasiguraduhan sa panahong ito ng pandemya.