Tutol si Pangulong Rodrigo Duterte na maging Speaker of the House ang kanyag anak na si Congressman Paulo Duterte.
Ito ang sinabi ng Pangulo sa harap narin ng paglutang ng pangalan ng kanyang anak sa mga posibleng maging house Speaker kung saan ay kahanay nito sina, Congressman Alan Peter Cayetano, Congressman Lord Alan Velasco at dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa mass oath taking ng mga bagong opisyal ng Pamahalaan ay sinabi nito na kung gustong tumakbo ni Polong bilang house speaker ay sabihan siya tatlong araw magdesisyon at bababa aniya siya bilang Pangulo ng bansa.
Paliwanag ni Pangulog Duterte, hindi siya papayag na puro sila nalang ang nasa Gobyerno kaya magbibitiw nalang siya kung gustong maging speaker ng kamara ang kanyang anak.
Kinumpirma din naman ni Pangulong Duterte na nakausap na niya ang iba pang naghahangad na maging house speaker pero wala naman aniya siyang kakatigan sa mga ito.
Matatandaan na sinabi ng Malacanang na hindi makikialam si Pangulong Duterte sa proseso ng paghalal ng house speaker dahil iginagalang nito ang hiwalay na sangay ng Gobyerno.