Nasa Manila na muli si Pangulong Rodrigo Duterte matapos bisitahin kahapon ang Jolo, Sulu na ginulantang ng dalawang pagsabog noong nakaraang linggo.
Bago ito, ilang linggong nanatili si Pangulong Duterte sa kaniyang hometown sa Davao City.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagpaabot si Pangulong Duterte ng simpatya sa mga biktima ng pagsabog sa kaniyang pagbisita sa Jolo.
Sa kaniyang mensahe sa isang online concert na tinatawag na “Singing for the President,” nais niyang magbigay ng paggalang sa mga sundalong nasawi sa pagsabog bilang bahagi ng kaniyang tungkulin bilang Commander-in-Chief ng Armed Forces.
Nagbigay rin ng talumpati ang Pangulo sa mga sundalo sa Camp Teodulfo Bautista, headquarters ng Joint Task Force Sulu.
Binisita rin ng Pangulo ang mga sundalong nasugatan sa insidente.
Ngayong araw, pupulungin ni Pangulong Duterte ang ilan sa mga miyembro ng kanyiang gabinete para alamin ang sitwasyon ng pandemya sa bansa.
Sinabi ni Roque na kailangang mayroong case doubling rate na 28 days ang isang lugar bago ito ibaba sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Nakatakdang i-ere ang talumpati ng Pangulo sa Jolo, ngayong araw, alas-8:00 ng umaga.
Mamayang gabi naman ay inaasahang i-aanunsyo ng Pangulo ang bagong classifications ng community quarantine sa bansa.
Nabatid na inilagay sa General Community Quarantine hanggang August 31 ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Nueva Ecija, Batangas, Quezon, Iloilo City, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Talisay City at mga bayan ng Consolacion at Minglanilla sa Cebu.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa MGCQ.