Bibisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang lugar sa bansa na napuruhan ng Bagyong Rolly.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na lilipad sila ng Pangulo pa-Bicol mamayang hapon.
Layon nitong personal na mabisita ang lugar, makamusta ang mga nabiktima ng bagyo at makita ang pinsalang iniwan ng bagyo.
Ayon pa kay Go, wala silang isasamang ibang opisyal ng pamahalaan dahil ayaw ng Pangulo na makaabala pa sa ginagawa ngayong recovery operations ng iba’t ibang concerned agencies.
Bukod dito, magsasagawa rin sila ng aerial inspection at posibleng sa Legaspi City, Albay sila bumaba para mabigyan ng situationer briefing.
Pagkatapos nito ay didiretso sila ng Pangulo sa nakatakdang pakikipagpulong nito sa kaniyang gabinete upang agad na masimulan ang recovery efforts ng pamahalaan.
Kasunod nito, binigyang-diin nito na kahit pa wala si Pangulong Duterte sa dalawang araw na pulong sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ay hindi nangangahulugang wala itong ginagawa o hindi nagtatrabaho dahil 24-oras aniyang naka-monitor ang Pangulo sa sitwasyon ng ating bansa.