Ozamiz City – Paparangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang pulis sa kanyang pagbisita sa Ozamiz City Police Station mamaya.
Gagawaran kasi ng Medalya ng Kadakilaan ni Pangulong Duterte sina Misamis Occidental Provincial Director Police Senior Superintendent Jaysen de Guzman, Police Superintendent John Encinareal, Ozamiz City Police Chief Police Chief Inspector Jovie Espinido, PO3 Sherwin Seraspe, PO1 Joanne Galo, PO1 Benzon Gonzales at Police Chief Inspector Bertilo de Guzman.
Hindi naman mabatid kung ang ilan sa mga pulis na gagawaran ng parangal ng Pangulo ay kabilang sa operasyon kung saan napatay si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, ang asawa nito, at maraming iba pa.
Binisita ni Pangulong Duterte ang Ozamiz City Police Office isang araw matapos mailibing ang mga napatay na Parojinog.
Kakausapin din naman ni Pangulong Duterte ang mga pulis ng Ozamiz City sa kanyang pagbisita.
Matatandaan na nagpatong si Pangulong Duterte ng tig-2 milyong piso sa mga pulis at kaalyado ng mga Parojinog na nagsilbing hitman ng mga ito, matapos madiskubre ang isang mass grave sa likod ng isang barangay hall sa lungsod.