Muling sumiklab ang pagkapikon ni Pangulong Rodrigo Duterte at pinasaringan si Vice President Leni Robredo dahil sa kawalan nito ng katapatan at pa-‘porma-porma’ sa pagtugon sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo.
Sa kanyang “Talk to the Nation Address,” sinabi ng Pangulo na malaki ang ginawang kasalanan ni Robredo dahil wala itong kakayahang magsabi ng katotohanan.
Aniya, sinabi umano ni Robredo na ‘missing in action’ siya nang manalasa ang bagyo.
Pero iginiit ng Pangulo na dumalo siya sa ASEAN virtual summit na alam naman ng Bise Presidente.
Nag-talumpati pa aniya siya ng dalawang beses noong summit at nagsagawa pa ng aerial inspection sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Itinanggi rin ni Pangulong Duterte na natutulog siya sa kanyang trabaho lalo na at buong magdamag niyang tinutukan ang calamity situation habang dumadalo sa virtual summit.
Punto pa ng Pangulo, isa siyang ‘night person’ kung saan nagsisimula ang kanyang araw ng alas-2:00 ng hapon at nagtatrabaho na hanggang sa sumunod na araw.
Nagbabala rin si Pangulong Duterte kay Robredo na huwag makipagkompitensya sa kanya.
Aniya, matagal nang naka-standby ang mga kaukulang ahensya na tutugon sa kalamidad.
Nagpaalala rin ang Pangulo sa Bise Presidente na hindi susunod ang militar sa kanya dahil hindi naman siya bahagi ng chain of command.
Pinuna rin ng Pangulong Duterte si Robredo dahil inaabot siya ng gabi kapag uuwi.
Babala pa ng Pangulo na huwag nang gumawa ng panibagong kamalian si Robredo dahil kung hindi ay mapipilitan siyang insultohin ang Bise Presidente.
Minaliit din ng Pangulo ang kakayahan ni Robredo at tiyak na hindi siya mananalo sa pagkapangulo.
Sakaling tumakbo sa pagkapangulo si Robredo, nangako ang Pangulo na sisirain niya ang Bise Presidente.