Maaari nang ipagpatuloy ang oil exploration activities sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Department of Energy (DOE) na bawiin ang suspensyon ng petroleum activities sa pinagtatalunang karagatan.
Sa statement, sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na naglabas na ng “resume-to-work” notice sa Service Contractors (SC) para muling ipagpatuloy ang petroleum activities sa lugar.
Ang SC 59 at 72 ay ino-operate ng Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC) at Forum Limited.
Ang SC 75 ay ino-operate naman ng PXP Energy Corporation.
Nagpapasalamat si Cusi kay Pangulong Duterte sa pag-apruba sa rekomendasyon dahil kailangan ito para matiyak ang energy security ng bansa.
Ang pagbawi aniya sa suspensyon ay magpapalakas sa ekonomiya sa pamamagitan ng mga bagong foreign direct investments at makakalikha ng high-skill jobs.
“With the impending depletion of our natural gas reserve in Malampaya, it is the department’s position that there is an urgent imperative to resume exploration, development, and production activities within our EEZ to ensure continuity of supply of indigenous resources in the country,” sabi ni Cusi.
Sa ilalim ng Republic Act 7638, o Department of Energy Act of 1992 – ang DOE ay may awtoridad na pangasiwaan ang exploration ng energy resources ng bansa.
Inabisuhan na ng DOE si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. hinggil dito.
“The oasis of peace that the Philippine Department of Foreign Affairs and the Chinese Ministry of Foreign Affairs envision must also be an oasis of prosperity. For this to happen, the Philippines must restart its economy using the engine of energy resiliency and security,” sabi ni Cusi sa sulat nito kay Locsin.
Nabatid nitong 2015 ay sinuspinde ang drilling at exploration works sa West Philippine Sea dahil sa territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at China.