Manila, Philippines – Binigyan ng mataas na grado ng ibat-ibang sektor si Pangulong Rodrigo Duterte sa unang isang taon sa Malakanyang.
Sinabi ni Ms. Toots Ople ng Blas F. Ople Policy Center and Training Institute, nabigyan ng Duterte administration ng mas maraming pagtingin ang mga hinaing ng mga Overseas Filipino Workers.
8 out of 10 ang markang ibinigay ni Ople habang nasa 7.5 naman ang ibinigay ni Atty. Sam Inocencio ng International Justice Mission.
Sabi ng dalawa, maraming mga naiipit na OFW sa Gitnang Silangan ang napauwi ng Pangulo at tinulungan na magkaroon ng hanapbuhay dito sa Pilipinas.
6 out 10 naman ang ibinigay ni Cong. Danilo Suarez ng Quezon Province dahil natugunan ng Duterte administration ang problema sa illegal drugs kahit naging madugo ang paraan ng kampanya nito.
Pero kahit binigyan ng pasadong marka, nagbigay pa rin ng suhestyon ang mga ito sa Pangulo upang lalong mapadali ang pagharap sa mga problema.
Mungkahi nina Ople at Inocencio, dapat ay maglagay ng anti trafficking czar ang gobyerno upang sugpuin ang lumalalang problema sa human trafficking habang ang pagpapalakas sa ekonomiya para sa dagdag trabaho ang nais ni Cong Suarez na dapat ay tutukan ng pamahalaan.