Pangulong Duterte, Binisita ang mga Labi ng 5 Nasawing Sundalo sa Lalawigan ng Isabela!

*Cauayan City, Isabela- *Binisita kahapon, Nov. 21, 2018 ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga labi ng limang sundalong nasawi sa pakikipagbakbakan sa mga Abu Sayyaf Group kamakailan sa brgy Liang, Patikul, Sulu.

Dumating pasado alas singko kahapon sa Tactical Operations Group (TOG-2) Cauayan City ang Pangulo at nagtungo sa pamunuan ng 5th Infantry Division sa brgy Upi, Gamu, Isabela upang makiramay sa pamilya ng mga yumaong sundalo.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Major Jefferson Somera, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, inisa-isang kinausap ng Presidente ang pamilya ng mga pumanaw na sundalo at nangako ito na maibibigay agad ang lahat ng mga tulong at benipisyo sa naiwang pamilya ng mga sundalong nasawi.


Nagpaalala naman ang Pangulo sa mga sundalo na maging tapat at gampanan ang kanilang tungkulin para sa seguridad ng publiko.

Samantala, naiuwi na sa kani-kanilang bahay ang mga labi ng mga nasawing sundalo mula sa 41st Infantry Battalion sa ilalim ng 5th ID na sina Corporal Renhart Macad ng Kalinga, Corporal Bryan Apalin ng Abra, Corporal John Raphy Francisco ng Cagayan, Corporal Marlon Manuel ng Cauayan City, Isabela, at si Private First Class Jordan Labbutan ng Kalinga.

Facebook Comments