Pangulong Duterte, bukas na sa amyenda sa Tax Reform Package

Manila, Philippines – Bukas na si Pangulong Rodrigo Duterte sa anumang pagbabago na ilalapat ng Senado sa isinusulong na Tax Reform Package ng gobyerno.

Ayon kay Senate Majority Floor Leader Tito Sotto III, ito ang ipinahiwatig ng Pangulo sa kanilang pulong kagabi.

Sabi naman ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon, tanggap na ng Pangulo ang anumang magiging pasya ng Senado sa panukalang pagrepaso sa pagpapataw ng buwis.


Sa tingin ni Senator Drilon, ipinapaubaya na ng Pangulo sa mabuting pagpapasya ng lehislatura kung ano nararapat na tax structure na kailangang maisabatas.

Magugunitang sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte ay hiniling nito sa Senado na palusutin ng buo ang Tax Reform Package na nakalusot na sa Kamara.

Pero ang mga Senador ay nagpahayag ng pag-aatubili na matutugunan nila ang hiling ng Pangulo dahil may mga dapat baguhing probisyon sa Tax Reform Package upang hindi ito magdulot ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin at hindi maging pahirap sa mamamayan.

Facebook Comments