Manila, Philippines – Tutulak na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia ngayong araw para sa kanyang state visit na magtatagal hanggang Biyernes, May 26.
Ito’y bilang tugon sa imbitasyon ni Russian President Vladimir Putin kung saan layon nito na mapalakas ang ugnayan at pagtutulungan ng Pilipinas at Russia.
Ayon kay Foreign Affairs Asec. Ma. Cleofe Natividad – sa pagbisita ng pangulo, patatatagin pa ang 40 taong ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Russia.
Pupuntahan ni Pangulong Duterte ang Moscow State Institute for International Relations kung saan mabibigay siya ng talumpati hinggil sa isinusulong na independent foreign policy gayundin ang kapayapaan at seguridad sa Asian region.
Dadalo rin ang pangulo sa isang business forum kung saan target na makahikayat ng mamumuhunan.
Bukod dito, kakamustahin din nito ang Filipino community roon.
Sa may 24, Miyerkules magpupulong ang pangulo kasama si Russian Prime Minister Dmitry Medvedev.
Habang sa May 25, magkakaroon ng expanded bilateral meeting at personal meeting ang pangulo kasama si Pres. Putin.
Sinabi ni Natividad – inaasahang malalagdaan ang ilang kasunduan sa nasabing pagpupulong.
Inaasahan ding mapag-uusapan ng dalawang lider ang balak ng Pilipinas na bumili ng armas sa Russia.
DZXL558