Nanawagan si dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa mga Pilipino na udyukan si Pangulong Rodrigo Duterte na ipaglaban ang soberanya at karapatang pangkalakalan ng Pilipinas sa West Philippines Sea.
Sa webinar na “Patriyotiko: Fight for Filipino Sovereignty”, sinabi ni Carpio na tayo-tayo rin ang magsisisi kung hindi ipoprotesta ang ‘defeatist remarks’ ni Pangulong Duterte sa pinagtatalunang rehiyon.
“We must tell him that. If he gets away with it because we are not telling him it is our fault…So, it is us who must tell the president. If we don’t tell the president, he will get away with it,” sabi ni Carpio.
“Well, it is the fault of the president. He is the chief architect of foreign policy. But what do we do as Filipinos, we must protest,” dagdag pa ni Carpio.
Kabilang sa mga isyu na kailangang iprotesta ng mga Pilipino ay ang pahayag ni Pangulong Duterte na ang China ang may hawak at kontrol ng West Philippines Sea, pagsasantabi sa 2016 Arbitral Award, at pagpapahintulot sa mga mangingisdang Chinese na pumalaot sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Iginiit ni Carpio na ang arbitral award ay legal na batayan na may karapatan ang mga Pilipino sa nasabing karagatan.
Nakasaad din sa Konstitusyon na tanging mga Pilipino lamang ang makikinabang sa mga resources sa loob ng EEZ.
Mahalaga ring sumama ang Pilipinas sa freedom of navigation operations nito sa mga kaalyadong bansa tulad ng Estados Unidos at pumasok sa isang joint patrol agreement sa iba pang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at maghain ng claim sa United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf.