Pangulong Duterte, dapat na i-take over ang BOC; Pagbuwag sa command center ng Customs, irerekomenda sa report ng Ways and Means Committee

Manila, Philippines – Hinihimok ngayon ni Quezon City Rep. Winston Castelo si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-take over bilang Customs Chief sa Bureau of Customs (BOC).

Ito ay sa kabila na rin ng mga rekomendasyon na buwagin o hindi kaya ay palitan lahat ng mga opisyal at empleyado sa loob ng BOC.

Ayon kay Castelo, kung ang BOC ay hahawakan ng Pangulo, mapipilitan ang mga taga-BOC na magtino at sumunod sa repormang nais ng pamahalaan.


Dagdag ni Castelo, ang kamay na bakal na pamamahala ang pinakamabisang paraan para malinis ang BOC.

Nagiging systematic aniya ang korapsyon sa loob ng BOC kung saan hindi magawa ng mga itinatalaga dito na linisin at ayusin ang ahensya kahit sa mga nakalipas na administrasyon.

Samantala, posible namang irekomenda ni Ways and Means Committee Chairman Dakila Cua ang pagbuwag sa command center sa loob ng BOC.

Nilikha lamang ang command center sa ilalim ng pamumuno ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon pero hindi ito dumaan sa pag-apruba ng pamahalaan.

Si Faeldon din mismo ang may control sa command center pero nagagawa pa ring makalusot ng mga kontrabando gaya ng 6.4 Billion na halaga ng iligal na droga.

Muli namang nanawagan si House Speaker Pantaleon Alvarez na huwag ng idamay ni Faeldon sa kahihiyan ang Pangulong Duterte at mag-resign na ito agad sa ahensya.

Facebook Comments