Pangulong Duterte, hindi haharap sa ICC

Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya haharap sa anumang paglilitis abroad patungkol sa kanyang kontrobersyal na giyera kontra droga.

Matatandaang nag-request si International Criminal Court (ICC) Prosecutor Fatou Bensouda na buksan ang imbestigasyon para sa alegasyong crimes against humanity sa war on drugs ng pamahalaan mula 2016 hanggang 2019.

Sa kanyang Talk to the Nation Address, muling nagpakawala ng tirada si Pangulong Duterte laban sa ICC at sinabing mas gugustuhin niyang humarap sa korte sa Pilipinas kaysa sa mga “puti” o “white people.”


Duda ang pangulo na makakamit ng international court ang hustisya lalo na at magkaiba ang kanilang batas at criminal procedure sa bansa.

Galit si Pangulong Duterte sa ICC lalo na at patuloy na problema ng bansa ang ilegal na droga.

Aniya, may ilang opisyal ang nadadawit sa illegal drug trade.

Muling iginiit ni Pangulong Duterte na ang Rome Statute na niratipikahan ng Senado noong 2011 ay hindi maaaring ipatupad sa bansa lalo na at hindi ito inilathala sa Official Gazette, isang legal requirement bago maging epektibo ang batas.

Ang pag-alis ng Pilipinas sa ICC ay naging epektibo Marso 2019.

Facebook Comments