Lumalabas na hindi kumbinsido si Pangulong Rodrigo Duterte nang makakuha siya ng 91% na public trust at approval ratings sa pinakahuling Pulse Asia Survey.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, naniniwala ang Pangulo na nakakuha lamang ito ng 75% trust at approval ratings.
“Noong pumasok si Presidente kagabi, tumayo kami, pumalakpak ‘no. At ang sabi niya, ‘Ah in reality, 75% lang iyan,” ani Roque.
Patuloy lamang aniya na magtatrabaho ang Pangulo ano pa man ang lumabas sa popularity numbers.
“He does his job pero hindi dahil sa approval at saka sa performance level. Tutok lang siya at tuluy-tuloy naman po,” dagdag ni Roque.
Para kay Roque, ang mga lumalabas na numero ay nagpapakitang kinikilala ng publiko ang matibay at sinserong pamumuno ng Pangulo lalo na sa pagtugon sa epekto ng pandemya.
“Alam mo, ang Pilipino, napakagaling po niyang tumanaw ng utang na loob, sa tingin ko po isa iyan sa pinakamalaking dahilan,” ani Roque.
Una nang nagpasalamat ang Malacañang sa publiko sa patuloy na pagsuporta nila kay Pangulong Duterte.