Hindi pa rin makikipagtulungan si Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema ukol sa pag-atras ng Pilipinas mula sa Rome Statute.
Batay sa Supreme Court ruling, obligado pa rin ang Pilipinas na makipagtulungan sa prosesong isinasagawa ng ICC sa kabila ng withdrawal nito mula sa treaty na siyang nagtatag sa Hague-based tribunal.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi maaaring pilitin ang pangulo na makipag-cooperate sa foreign tribunal.
Aniya, walang enforcement mechanism para atasan ang Pilipinas na sumunod.
Gayumpaman, iginagalang ng Palasyo ang desisyon ng SC pero kinikilala pa rin si Pangulong Duterte bilang punong arkitekto ng foreing policy ng bansa.
“Bilang chief architect ng foreign policy, hindi naman pupuwede limitahan ang option ng Presidente pagdating sa mga tratado na napirmahan na,” sabi ni Roque.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Duterte noong 2018 na bawiin ang membership ng Pilipinas sa Rome Statute dahil sa paglabag sa due process.