Pangulong Duterte, hindi na magdedeklara ng tigil-putukan sa CPP-NPA sa loob ng kanyang termino

Wala nang balak pa si Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng ceasefire sa Communist Party of the Philippines New People’s Army (CPP-NPA) sa loob ng kanyang termino.

Sa kanyang ‘Talk to the Nation’ address, sinabi ng Pangulo na matagal ng patay ang ceasefire sa communist rebel group.

Nangako ang Pangulo na tatapusin sila dahil nais nilang pabagsakin ang gobyerno.


Inamin din ng Pangulo na tinalikuran niya ang peace talks sa mga rebeldeng komunista dahil hindi pa rin sila nagkakaintindihan.

Hindi rin katanggap-tanggap ang hirit ng mga rebelde na bumuo ng coalition government dahil maaari siyang ipa-impeach o barilin ng militar o pulis kapag nangyari ito.

Habang ipinawalang bisa ang anti-subversion law, patuloy pa rin ang ginagawa ng mga rebeldeng komunista gaya ng murder, arson at iba pang karahasan.

Banta pa ng Pangulo, papangalanan niya ang mga nasa likod ng communist rebel organization.

Muli ring ikinokonsidera ng Pangulo ang mga miyembro ng Makabayan Bloc at iba pang progresibong grupo bilang mga komunista.

Una nang inanunsyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi na nila irerekomenda kay Pangulong Duterte ang tradisyunal na holiday ceasefire sa mga communist rebels dahil sa kawalan ng sinseridad.

Facebook Comments