Pangulong Duterte, hindi pa handang luwagan ang quarantine period para sa returning overseas Filipinos

Hindi pa handa si Pangulong Rodrigo Duterte na luwagan ang 14-day required quarantine period para sa returning overseas Filipino workers (OFWs) at Overseas Filipinos (OFs).

Ito ang pahayag ng Pangulo matapos ang konsultasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga medical expert kung posibleng ibaba ang 14-day quarantine period dahil sa nauubos na pondo para sa kanilang isolation.

Sumang-ayon ang mga medical experts na ang dalawang linggong quarantine period ang nananatiling akma para matiyak na walang OFWs ang positibo sa COVID-19 kapag pinayagan na silang magtungo sa kanilang destinasyon.


Pero may ilang experto ang naglatag ng ilang opsyon tulad ng pagtapyas ng quarantine period sa siyam hanggang 10 araw na lamang at ipagpapatuloy na lamang ang nalalabi ng kanilang quarantine sa kanilang bahay o sa pasilidad ng kanilang Local Government Units (LGUs).

Pabor kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang mungkahing ito ng mga medical experts.

Sinabi ni Bello, ang testing positivity rate ng returning overseas Filipino noong 2020 ay nasa 2.07%, pero bumaba ito sa 1.5% noong 2021.

Ang mga OFW na negatibo ay maaari nang pauwiin sa mga kanilang probinsya.

Pero sa kanyang Talk to the People Address, iginiit ni Pangulong Duterte na mas gugustuhin niyang panatilihin ang mahigpit na quarantine measure.

Dagdag pa ng Pangulo, ayaw niyang makompromiso ang kalusugan ng publiko.

Facebook Comments