Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na ang Philippine Rise ay pag-aangkin ng Pilipinas.
Ito ang sinabi ng Pangulo matapos iminungkahi ni dating Senator Juan Ponce Enrile na magsagawa ang pamahalaan ng oil exploration sa Philippine Rise.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na ang Philippine Rise o mas kilala dati bilang Benham Rise ay eksklusibong pagmamay-ari ng Pilipinas.
Hindi niya hahayaan ang anumang banyagang bansa na okupahan at samantalahin ang likas na yaman sa nasabing teritoryo.
“Benham Rise is exclusively Philippine property. I have made it clear to all, to the world, I will not allow any intrusion there,” ani Pangulong Duterte.
“Well of course, the right to innocent passage is everybody’s privilege but to allow anybody even just to try to exploit or to even to look, I will not allow them to do that because Philippine Rise belongs to the Filipino people,” dagdag pa ng Pangulo.
Ang Philippine Rise ay matatagpuan sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas at bahagi ng continental shelf.
Matapos mamataan ang ilang barko ng China sa lugar noong 2017, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 25 na pinapapabago ang pangalan ng lugar para itaguyod ang soberenya ng bansa.
Ang Philippine Rise ay idineklara ring marine protected area.