Wala nang balak pang tumulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Pilipinong nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga sa ibang bansa.
Sa kaniyang Talk to the Nation Address na inere kaninang umaga, sinabi ng pangulo na bagama’t maaari pa ring humingi ang mga ito ng tulong sa ating ambassadors ay hindi na siya manghihimasok pa.
Kabilang aniya rito ang mga Pilipinong nahaharap na sa hatol na bitay dahil sa iligal na droga.
Samantala, pinuri naman ni Pangulong Duterte ang mga otoridad na nakasabat kahapon ng aabot sa ₱3.9 billion na halaga ng shabu at ikinasawi ng apat na Chinese nationals sa Zambales.
Ayon sa pangulo, nagpapasalamat siya sa mga pulis na ginampanan ang tungkulin na protektahan ang Pilipinas at napigilan ang pagpapakalat nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bukod diyan, nasa 80 kilos ng shabu pa na nagkakahalaga ng ₱544 million ang nasabat kahapon ng mga otoridad sa Hermosa, Bataan.