Manila, Philippines – Hiniling ng ilang mambabatas na paaminin na rin ng Pangulong Duterte sa kanilang mga kasalanan ang pamilyang Marcos tulad ng human rights violation noong rehimeng Marcos at ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Duterte na nakahanda ang pamilyang Marcos na ibalik ang mga nakaw na yaman sa gobyerno.
Giit dito ni Akbayan Rep. Tom Villarin, kung magagawang umamin ng mga Marcos sa kanilang mga nagawang kasalanan ng walang hinihinging kapalit at kondisyon ay maituturing itong isang himala.
Pero, kung ang pagbabalik ng mga nakaw na yaman ay may kapalit pala mula sa administrasyon, ito aniya ay propaganda lamang para mapahupa ang galit ng marami sa pamilyang Marcos.
Hindi naman nagustuhan ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat na mismong ang Pangulo pa ang nagsalita para sa mga Marcos gayong kaya naman ng nasabing pamilya na humarap sa media at sila mismo ang mangako sa taumbayan.