Pangulong Duterte, hinikayat ng Senado na magdeklara ng national calamity dahil sa ASF

Hiniling ng Senado kay Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng state of national calamity dahil sa matinding pinsala ng African Swine Fever (ASF) sa industry ng magbababoy.

Ang apela ng mga Senador sa Pangulo ay nakapaloob sa inaprubahan nilang Senate Resolution number 676 na layuning magamit ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund at Quick Response Fund para matugunan ang problemang hatid ng ASF.

Ito ay para masuportahan ang hakbang ng Department of Agriculture (DA) sa pagkontrol at paglutas sa ASF.


Nakapaloob din sa resolusyon ang pagtutol ng Senado na ibaba sa 5 hanggang 15% ang kasalukuyang 30 to 40% na taripa na ipinapataw sa importasyon ng karne ng baboy.

Nakasaad din sa resolusyon ang pagkontra ng Senado na itaas ang minimum access volume o dami ng karne ng baboy na aangkatin ngayong taon.

Base sa rekomendasyon ng DA, itataas sa mahigit 400,000 metriko tonelada ang kasalukuyan 54,000 metriko tonelada na aangkating pork products ngayong taon.

Facebook Comments