Nanawagan ang isang party-list congressman kay Pangulong Rodrigo Duterte na makialam na sa expropriation battle sa pagitan ng MORE Power at Panay Electric Company, sa gitna ito ng mga balita nang posibleng panghihimasok ng mga hindi tapat na opisyales ng Korte Suprema.
Sa isang panayam, sinabi ni Abang Lingkod Party-list Representative Joseph Stephen Paduano na ikinababahala niya ang sinasabing pakikialam ng ilang opisyal ng Kataas-taasang hukuman, na dati nang naiulat sa mga balita.
Ang sinasabing panghihimasok umano ng mga ito ay nagbigay-daan sa serye ng mga kontrobersiyal at hindi pangkaraniwan na inhibitions ng RTC Judges sa naturang franchise-related expropriation case. Tinukoy din ni Paduano ang pinakahuling controversial orders na pumapabor sa More Electric and Power Corporation (MORE).
Iginiit ni Paduano na, “The only way we can stop this abuse of our legal system is if President Duterte himself looks into all these unusual and irregular events which have come to taint the integrity of the judiciary.”
Matatandaan, na sa kabila ng kakulangan ng pasilidad sa power distribution ng MORE sa Iloilo City at kakulangan ng kumpanya sa karanasan sa area ng power distribution ay binigyan ito prangkisa para sa pamamahagi ng elektrisidad sa nabanggit na lungsod, gayung dati na itong pinagseserbisyuhan ng Panay Electric Company (PECO) nang halos isan’daang taon.
Ang pagkakaloob ng kontrobersiyal na prangkisa sa MORE ay nagbunsod sa kagustuhan nito na i-take-over ang power distribution assets of PECO. Ang puwersahang pag-take-over sa PECO properties ay pagpapakita lamang na walang kapasidad ang MORE para mag-set up ng kanilang sariling distribution infrastructure.
Binanggit din ni Paduano ang pambihirang serye nang inhibitions at mga kontrobersiyal na kautusan ng Iloilo RTC judges na nakatoka para hawakan ang expropriation case na inihain ng MORE laban sa PECO.
Nabatid na apat nang mga hukom ang nag-inhibit o tumanggi na hawakan ang kaso. Matapos magpalabas ng resolusyon si Judge Yvette Go ng RTC Branch 37 na ipagpatuloy ang pagdinig sa expropriation case na inihain ng MORE laban sa PECO ay agad itong nag-inhibit sa kaso.
Nabatid na kinontra ni Go ang naunang desisyon ng Mandaluyong RTC Branch 209 na nagdedeklara sa RA 11212, ang batas na nagbibigay ng prangkisa sa MORE para sa power distribution sa Iloilo bilang “void and unconstitutional for infringing on PECO’s rights to due process and equal protection of the law.”
Si Judge Daniel Antonio Gerardo Amular ang siyang nagpatuloy sa paghawak ng kaso at nagpalabas ng resolusyon na nagsususpendi sa pagdinig ng expropriation case.
Kalaunan ay nagpalabas ng pahayag sa media si Amular na nagsasabing kinausap siya ng abogado ng MORE na mag-inhibit sa kaso. Bagaman, una na niyang sinabi na hindi siya magpapasindak sa mga banta pero kalaunan ay binitawan din nito ang kaso.
Ang pagbibitiw ni Amular sa kaso ay nasundan pa nang pag-inhibit naman ng dalawa pang mga hukom -na sina Judge Ma. Theresa Gaspar ng RTC Branch 33 at Judge Gloria Madero ng Iloilo RTC Branch 29—ipinunto ng mga ito ang iba’t-ibang mga kadahilanan.
Sa kasalukuyan, ang kaso ay hinahawakan ni Judge Emerald Kuizon Requina-Contreras ng Iloilo RTC Branch 23 na kamakailan ay nagpalabas ng desisyon pabor sa MORE. kanyang iginigiit ang ipinagkaloob na grant of the writ of possession sa nabanggit na kumpanya.
Ilan sa mga kinatawan ng Kamara na tumangging magpabanggit ng pangalan ay nagsabing nakikipag-ugnayan ang gambling at ports magnate na si Enrique Razon, Jr. sa ilang matataas na opisyal ng hudikatura para i-pressure si Judge Contreras na siyang may hawak ng Iloilo power play case.
Ayon pa sa mga sources na sa mismong araw nang ilegal na pag-take-over ng MORE sa PECO’s sub-stations ay agad na lumipad si Razon sa Iloilo at masayang sinalubong at iniskortan ng top police officials.
Matatandaan na paulit-ulit din na tinututulan ni strong-willed Davao City Mayor at Presidential daughter Sara Duterte ang appointment ng isa sa opisyal ng hudikatura para maging hukom ng Supreme Court sa pagsasabing minsan na siyang inalok nito na tatrabahuin ang nakabinbin niyang kaso kapalit ng political considerations.