Hinihimok ngayon ni Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte si Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng special task force na tututok sa rehabilitasyon sa mga probinsiya sa Bicol Region at CALABARZON na lubhang napinsala ng Bagyong Quinta at Rolly.
Ginawa ni Villafuerte ang proposal matapos na magsagawa ang Pangulong Duterte ng aerial inspection sa mga apektadong lugar sa Bicol at CALABARZON na sinalanta ng Bagyong Rolly.
Kasabay nito, nagpasa ng panukala ang kongresista sa Kamara na humihimok sa Pangulong Duterte na gumawa ng komprehensibong rehabilitation program sa Bicol Region bilang tugon sa mga lubhang naapektuhan ng Super Typhoon Rolly.
Kabilang sa mga programa sa ilalim ng probisyon ay ang agad na pamamahagi ng relief goods, pagsasa-ayos at muling pagbangon ng Bicol matapos ang hagupit ng Bagyong Rolly na isa sa pinakamalakas na bagyo na naranasan sa bansa at sa buong mundo ngayong taon.
Umaapela rin si Villafuerte sa Department of Budget and Management (DBM) na magtabi o maghiwalay ng pondo para sa flood control projects partikular sa mga disaster-prone areas sa Bicol Region.
Bukod dito, nakiusap din si Villafuerte at anak nito na si Camarines Sur Governor Migz Villafuerte na agad na mamahagi ng tulong sa halos 80,000 na pamilya sa kanilang probinsya na apektado ng Bagyong Rolly.