Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na ipasa ang mga batas na magpapalakas sa mga hakbang ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19.
Partikular na ipinapanawagan ng Pangulo ay ang pagtatatag ng national preparedness at response mechanisms para sa pandemya at iba pang sakuna tulad ng pagbuo ng medical reserve cops at pag-imbak ng strategic at critical materials.
Sa kanyang virtual address sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly sa 36th ASEAN Summit, iginiit ni Pangulong Duterte na kailangang amiyendahan ang Labor Code, at mapalakas ang social protection system at i-upgrade ang economic regulations nito lalo na’t umuusbong ang digital economy.
Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng pagkakapaso ng Bayanihan to Heal as One Act na nagbibigay sa kanya ng emergency powers para matugunan ang public health crisis.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi makakaapekto sa pamamahagi ng cash subsidy sa mga mahihirap na pamilya ang pagkaka-expire ng batas.