Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hadlang ang Delta COVID-19 variant sa muling pagbabalik ng face-to-face classes sa bansa.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, humingi ng paumanhin si Pangulong Duterte sa mga magulang dahil sa pagkakaantala ng edukasyon ng kanilang mga estudyante.
Hindi pa niya pwedeng payagan ang mga estudyante na makabalik ng paaralan para na rin sa kanilang kalusugan at kaligtasan.
Dagdag pa ng pangulo, hindi niya maaaring isugal ang buhay ng mga estudyante lalo na at patuloy na nilalabanan ang pandemya.
“Ako naman naghingi ng patawad sa inyong lahat sa mga nanay at tatay kasi ma-delay ang education ng mga bata. Patawarin ninyo ako dahil hindi ko kaya magbigay ng pahintulot na puwede na silang normal sa eskwelahan. Kasi kung magka-disgrasyahan, buhay ito,” ani Pangulong Duterte.
Walang problema kay Pangulong Duterte ang hakbang ng Department of Education (DepEd) na maibalik sa normal ang pag-aaral ng mga estudyante pero iginiit niya ang panganib na dulot ng Delta variant
“Itong sa Department of Education, they are leaning on just go back to face-to-face classes. They want normalcy in the running of the education of the young. Sang-ayon ako. Walang problema, Whatever is convenient or comfortable para sa bata, nandoon ako,” ani Pangulong Duterte.
“Kaya lang there’s monkey wrench in the government machinery, humihinto kasi. Ang monkey wrench dyan is the COVID-19 D. Ngayon lang ‘yan lumabas at lumaganap na doon sa Great Britain at India. hindi malayo baka dadating dito sa atin,” dagdag pa ng pangulo.
Humingi naman ng paumanhin si Pangulong Duterte kay Education Secretary Leonor Briones hinggil sa kanyang desisyon na kontrahin ang pagbabalik ng in-person classes.
Una nang sinabi ng DepEd na iginagalang nila ang desisyon ng Pangulo.