Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papayagan ang franchise operations ng mga kumpanya kapag hindi sila nagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na may ilang kumpanya ang tumatakas sa obligasyon nitong magbayad ng buwis pero humihiling ng proteksyon sa pamahalaan para sa kanilang negosyo.
Paglilinaw ng Pangulo, wala siyang personal na galit sa alinmang kumpanya, nais lamang niya sa mga ito na magbayad ng wasto.
Iginiit din niya na walang ipapatupad na prangkisa kapag hindi maayos ang pagbabayad ng buwis.
Kinuwestyon din ng Pangulo ang real estate taxes na binabayaran ng mga kumpanya.
Bago makabalik sa operasyon, nais din ni Pangulong Duterte na magkaroon ng maikli pero seryosong usapan sa mga may-ari ng kumpanya.
Ang pahayag ni Pangulong Duterte ay kasunod ng paghahain ng ilang kongresista ng panukalang batas na layong bigyan ng 25-year franchise ang ABS-CBN.
Ang bersyon nito sa Senado ay inihain ni Senate President Vicente Sotto III.